Saturday, May 11, 2013

Para sa Araw ng mga Nanay

Bukas ay Mother's Day. Sabi noon ng kaibigan ko, commercialization lamang ito. Maaring tama sya pero tama rin naman na kahit isang araw lamang sa loob ng isang taon pansinin natin at i-pokus ang atensyon sa mga dakila nating Nanay. Sayang nga lamang at wala na akong nanay ng ma-uso ang selebrasyong ito.

Naulila ako sa ina sa edad na labing-tatlo. Hindi na nya inabot na ako ay maging ganap na dalaga. Mahirap lumaki na walang ina. May mga pagkakataon na nagkakasakit ako, sya pa rin ang tinatawag ko. Kapag may mga kailangan ako sa school noon kagaya ng mga supplies nahihiya akong humingi sa kapatid ko. Hindi ako makasali sa mga extra curricular activities kahit gusto ko dahil alam ko na may kasama itong mga dagdag gastos.

Si Ate Susan ang nagtaguyod sa aming dalawa ni Phen. Working student sya. May trabaho sa gobyerno at estudyante sa gabi. Sagot nya lahat gastusin sa bahay pati na allowances at gamit namin sa eskwela. Alam ko ang hirap at sakripisyo nya kaya kahit gapok na ang nag-iisa kong uniporme hindi ako humingi ng dagdag. Kaya noong huling taon ko sa school, dahil sa marupok na ito, sumabit lang sa pinto sobrang napunit ito sa school. :-)

Kaya sa inyo na may mga ina na kasama nyo ngayon at nabubuhay pa, show them your love and affection. Thank her for all the things that she did for you. Hindi kayang tawaran ang mga sakripisyo at pagod na inilaan nya para sa pamilya . Magpasalamat kayo at nandyan pa sya para i-comfort kayo sa panahon na down kayo or may problema. Pasalamat din kayo sa mga pagkakataon na kasama nyo sya sa mga celebrations ng mga achievements at milestones ng inyong pamilya. At para sa mga katulad ko na maagang nawalan ng ina...

...Ang araw na ito para rin sa mga kapatid, tita at lola na nag-aruga at nagtaguyod sa mga na-ulila sa ina. Hindi namin mararating ang kinalalagyan namin ngayon kung wala kayo.

Kay Ate Susan, thank you! Hindi ko alam if it's your destiny to be single at your age o ito ang naging resulta ng pagiging Ina mo sa amin. Utang na loob ko sa iyo kung ano man ang narating ko sa buhay. Mabuhay ka!